PAG-IBIG Jose Corazon de Jesus 1926 Isang aklat na maputi, ang isinulat: Luha ! Kaya wala kang mabasa kahit isa mang talata ; Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata; Tumanda ka't nagkauban , hindi mo pa maunawa. Ang Pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa-puso! Pag pinuso, nasa-isip, kaya't hindi mo makuro . Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo'y naglalaho; Layuan mo at kay-lungkot, nananaghoy ang pagsuyo! Ang Pag-ibig na dakila'y aayaw nang matagalan, Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman. Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang nahalikan, At ang ilog kung bumaha, tandaan mo't minsan lamang. Ang Pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos, Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos! Ang Pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod , Pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog! A...